Ayon sa isang SPO2 Pedro "Boy" Buluran ng Western Police District, marami sa kanilang mga kasamahan ang dismayado sa ginagawang pagtuturuan kung sino ang dapat habulin o sisihin sa kanilang naaantalang salary differential samantalang ang mga sumunod sa kanilang mga kasamahan na nagretiro ay nakakuha na ng kumpletong salary adjustment para sa kanilang lump sum o monthly pensyon.
Nabatid na apektado ng nasabing problema ang mga nagretiro mula sa taong 1992 hanggang 1995 ngunit ang ipinagtataka ng mga naapektuhan ay bakit bumilang na ng taon ay hindi pa ito naihanda ng PNP.
Sinabi pa ni Buluran na hirap na hirap na sila sa kaka-follow-up kung saan dapat kuhanin ang kanilang mga tseke dahil tuwing pupunta sila sa finance department ng WPD ay itinuturo sa PNP Camp Crame na nagsasabing tapos na ito dahil may voucher na ngunit walang pera.
Dahil dito, marami na umanong kasamahan nila ang nababaon sa utang dahil sa umaasang makukuha na nila ang inaasam-asam na differential. (Ulat ni Andi Garcia)