11 katao sugatan sa sunog

Labing-isa katao ang nasugatan habang may 3,000 pamilya ang nawalan ng tirahan sa naganap na sunog na tumupok sa may P10 milyong halaga ng mga ari-arian, kahapon ng umaga sa Onyx at Estrada sts., San Andres Bukid, Maynila.

Ang sunog na sumiklab dakong alas-5:20 at sanhi ng sumabog na liquified petroleum gas (LPG) ay sinasabing nagmula sa bahay ng isang Alberto Librado sa ikalawang palapag ng bahay nito sa #2525 Onyx st.

Ipinaliwanag ng mga kagawad ng Bureau of Fire Protection na nahirapan silang mapatay kaagad ang apoy dahil na rin sa masisikip na mga eskinita na hindi nila mapasok kaya umabot sa general alarm ang sunog.

Kinilala ang mga nasugatang sina Raul Langit, 30; Renato Leparez, 35; Eula Casdan, 33; Andrew Ruiz, 16; Rene Dagohoy, 29; Elmer Villona, 27; Ariel Brasmil, 27; Rufino Rapez, 84; Lazaro Jamor, 35; Buho Lapitorio, 21 at Simeon Espinosa, 72. Sila’y pawang nagtamo ng mga paso sa katawan.

Samantala ang mga residenteng nawalan ng tahanan ay pansamantalang nanunuluyan sa barangay hall at sa Holy Family Church, habang nagsasagawa naman ng imbestigasyon ang BFP hinggil sa insidente para mapanagot ang responsable. (Ulat ni Grace Amargo)

Show comments