Trike driver tinodas ng adik

Isang 22-anyos na tricycle driver ang nasawi matapos na ito ay saksakin ng isang adik, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Namatay habang ginagamot sa Ospital ng Caloocan ang biktimang si Oliver Ian Lanoste, ng Bayanihan St., Bagong Barrio ng nasabing lungsod dahil sa dami ng saksak na tinamo nito sa katawan.

Mabilis namang naaresto ang suspek na si Ricardo Dacanay, 20, ng Gen.Tirona St.,matapos ang ginawang krimen.

Sa imbestigasyon ng pulisya na naglalakad dakong alas-7:00 ng gabi ang biktima sa kahabaan ng Gen. Tirona St., nang ito ay lapitan ng suspek at nangulit.

Hindi pinansin ng biktima ang pangungulit ng suspek na ikinagalit nito kaya binunot ang dalang patalim at inundayan ng mga saksak ang una.
Mabilis na tumakas ang suspek nang bumulagta ang biktima sa kalye habang ang ilang nakakita sa pangyayari ang nagsugod dito sa nasabing pagamutan.

Napag-alaman na ang suspek ay kilalang adik sa kanilang lugar at kapag ito ay sabog sa droga ay trip nitong manaksak.

Pinakahuli nitong biktima ay nakilalang si BJ Soza,19, na kasalukuyang nakaratay sa Manila Central University Hospital. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments