Agad ipinag-utos ni WPD Director Chief Supt. Avelino Razon Jr. kay Supt. Amador Pabustan, hepe ng PS-9 na disarmahan at sibakin bilang hepe ng DEG si SPO4 Norberto Murillo matapos na matuklasan na kulang ng mahigit 300 gramo ang may isang kilo ng shabu na nakumpiska sa tatlong naarestong suspek noong Miyerkules ng hapon sa San Andres, Maynila.
Natuklasan ang kakulangan ng naturang ebidensya matapos na timbangin sa WPD Crime Laboratory ang nakumpiskang shabu matapos na i-turn-over ito ng Station 9 sa Scene of the Crime Office (SOCO).
Sinabi naman ni Murillo na kaya umano ito binawasan ng 300 gramo ay para gamitin niyang ebidensya sa paghaharap ng kaukulang kaso laban sa mga suspek.
Gayunman, hindi pinaniwalaan ni Pabustan ang alibi ni Murillo at nabatid na ibinenta lamang ang binawas na 300 gramong shabu upang muling ibenta at pagkakitaan.
Magugunitang iprinisinta pa sa tanggapan ni Manila Mayor Lito Atienza ni Razon ang mga nadakip na suspek na sina Joselito Noque at mag-asawang Ariel at Alda Bansao sa isang buy-bust operation sa San Andres at binigyan pa ng komendasyon ni Atienza si Murillo. (Ulat ni Ellen Fernando)