Sinabi ni Maganto sa mga mamamahayag kahapon na nagsumite na siya ng kanyang resignation bilang hepe ng Katapat 2 makaraang magkaisang irekomenda ng mga regional directors kay Sec. Lina na buwagin ang grupo nito sa lahat ng rehiyon.
Ayon kay Maganto, siya umano mismo ang nagrekomenda na buwagin ang kanyang Katapat 2 at maging ang Special Task Force at Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) bilang pangulo naman ng Police "ROTC Graduates" for Integrity, Morality and Order (PRIMO).
Winika ni Maganto, inirekomenda umano niya ito upang magkaroon ng free-hand si Sec. Lina sa isasagawa nitong pagbabago sa PNP organizations.
Kamakailan ay pinulong ni Sec. Lina ang lahat ng DILG regional directors hanggang sa hilingin naman ng mga ito sa kalihim na buwagin ang Katapat 2 ni Maganto sa lahat ng regional offices dahil sa pagkakaroon nito ng "duplication" of work sa PNP.
Itinayo ni dating DILG Sec. Alfredo Lim ang Katapat 2 na pinamunuan ni Maganto upang hulihin ang may 360,000 loose firearms sa bansa pero hindi umano nakasaad sa kautusan ni Lim na dapat maglagay pa ng regional offices ito.
Sa panahon ng Katapat 2 ay mas malaki pa rin ang nakumpiskang mga loose firearms ng PNP sa pamumuno ni dating PNP Director-General Panfilo Lacson kaysa sa grupo ni Maganto.