Composer ni Gary V. nagbaril sa sarili

Isang composer na lumikha ng awiting "Pasko na Sinta Ko" na pinasikat ng singer na si Gary Valenciano ang nagbaril sa sarili dahil umano sa pagiging desperado sa naging takbo ng kanyang career, kahapon sa Parañaque City.

Natagpuang may tama ng isang bala ng baril ng kalibre .38 sa sintido ang biktimang si Francis Dandan, 50, ng #0384 Quirino Ave. nasabing lunsod.

Sa imbestigasyon ni SPO3 Odeo Carino ng Homicide section Parañaque police, isang kapitbahay ng biktima na nakilalang si Reynaldo Cardonica ang nagising dahil sa isang malakas na putok na nagmula sa kuwarto ni Dandan dakong alas-4:30 ng umaga.

Agad pinuntahan ni Cardonica ang pinanggalingan ng putok at bumulaga sa kanya ang duguang si Dandan.

May hinala ang pulisya na posibleng desperado na ang biktima sa mabagal na pag-usad ng kanyang career dahil madalas umanong binabanggit ng lalaki bago ito nagpakamatay na gusto niyang maging isang sikat na kompositor, pero matapos makalikha ng isang komposisyon ay hindi na umano nasundan pa. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments