Ayon sa Comelec, P2.8-B allotment sa 2000 budget ng Department of Budget and Management (DBM) ang naipalabas sa komisyon noong nakaraang taon, pero tanging P1.2B lamang ang nasa kamay ng ahensiya at mayroon pang kulang na P1.6-B para mag-full blast ang paghahanda sa May 14 elections.
Ayon kay outgoing Comelec Chairman Harriet Demetriou, nagpadala ito ng liham kina Rep. Gilberto Duavit, chairman ng Appropriations sa Kamara at kay Sen. John Osmeña, chairman ng Finance committee sa Senado na kakailanganin ng karagdagang P3,301,953,000 para sa kabuuang paghahanda sa halalan.
Sinabi ni Demetriou na P1,935,594,000 para sa pagsasagawa ng 2001 national at local polls; P116,359,000 para sa regular na operasyon at ang P1.25-B para sa modernisasyon ng komisyon.
Sinabi ni Demetriou na ang pagkakabinbin ng pagpapalabas ng pondo ay dahil na rin sa pagtaas ng gastusin na gagamitin kagaya ng pamasahe, freight services, supplies at materials na ang mga presyo ay tumataas. (Ulat ni Jhay Mejias)