Dead-on-the-spot ang biktimang si PO2 Bienvenido Batac ng Regional Mobile Group ng Cainta, Rizal PNP at residente ng 1819 Palawan st., Sampaloc, Maynila matapos mabaril sa ulo at dibdib, pero napatay din nito ang isa sa mga holdaper na hindi pa nakikilala hanggang sa ngayon.
Samantala inoobserbahan naman sa Quirino Labor Hospital ang isa pa sa hinihinalang holdaper na nakilalang si Jun Javencia na nagtamo ng tama sa dibdib at pasaherong si Mike Quijano na nabaril sa hita.
Batay sa ulat na tinanggap ni C/Supt. Victor Luga, district director ng CPD, naganap ang holdapan pasado alas-5 ng umaga sa harapan ng K-Mart sa Katipunan Ave., naturang lungsod.
Lumilitaw sa pagsisiyasat na nag-aabang ng masasakyan ang pulis ng mga oras na ‘yon ng mamataan nito ang komosyon sa loob ng FX taxi na may plakang DWT-527 at minamaneho ni Eduardo Regino.
Hindi nagkamali ang pulis na may holdapang nagaganap sa loob ng taxi kaya kanyang sinita. Pero sa halip na sumuko ay pinaputukan ng mga holdaper ang biktima kung saan agad tinamaan ang pulis.
Kahit may tama ay nagawa nitong makaganti ng putok at masapol ang dalawa sa mga holdaper bago ito tuluyang nalugmok at mamatay.
Sa testimonya ng driver, naisakay niya ang tatlong holdaper sa Montalban, Rizal at nagpapahatid sa nasabing lugar.
Pagsapit sa tapat ng K-Mart ay dito na nagdeklara ng holdap. (Ulat ni Rudy Andal)