6 babae nasagip sa casa

Anim na kabataang babae na ginawang prostitute sa isang casa ang nailigtas habang naaresto ang maintainer at bugaw nito ng DILG Special Task Force at Holland-based SOS Child Care Foundation sa isinagawang raid, kahapon ng madaling-araw sa Sampaloc, Maynila.

Sa report na ipinadala ni Chief Insp. Nelson Yabut, DILG-STF chief kay DILG Secretary Alfredo Lim, nailigtas sina Danica Marcial, 14; Susan Avanceña, 20; Myra Reyes, 20; Rose Reyes, 18, na pawang galing sa lalawigan ng Samar at Michelle Ramos, 19, na galing naman ng Cagayan Valley.

Ayon kay Sr. Insp. Tony Cruz, team leader ng DILG-STF, humingi sa kanila ng tulong si Christian Kerremans, international director ng Save Our Souls (SOS) Child Care Foundation na iligtas ang mga kabataang babae sa isang kasa.

Unang nailigtas ni Kerremans ang dalagitang si Juliet, 16, mula sa naturang kasa sa Castañas st., Sampaloc, matapos magkunwari ang Dutch national na kukuha ng serbisyo ng isang babae.

Ibinigay ng maintainer na si Roger Pastora, 36, may asawa at nakatira sa nasabing lugar ang dalagitang si Juliet kapalit ng ibinayad na P1,500 ng Dutch national.

Kaagad dinala ni Kerremans ang dalagita sa DILG-STF hanggang sa planuhin ng mga ito ang pagsalakay.

Nagkunwari muli ang sekretarya ng Dutch national na kukuha ng karagdagang dalawang babae kapalit ng P3,000 at pinasama ni Pastora sina Marcial at Avanceña dito.

Nakunan sa akto ang dalawang babae ng video footage na nakikipagtalik sa nagkunwaring customer nito sa loob ng Anito Lodge sa Sta. Mesa, habang inaresto sina Pastora at bugaw na si Anjo Bermeo, 17.

Ang mga kababaihang biktima ay kukupkupin naman ng foundation ni Kerremans upang magbagong-buhay.

Napag-alaman na ibinebenta ni Pastora ang mga kabataang babae sa mga Filipino at foreigners mula P300 hanggang P3,000 sa bawat labas ng mga ito. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments