QC councilors di na nagpapakita sa session, committee hearings

Hiniling kahapon ni Quezon City Councilor Pinggoy Lagumbay sa kapwa mga konsehal sa Quezon City na kalimutan muna ang pulitika pero hindi ang mga responsibilidad sa mga constituents.

Ang hakbang ay ginawa ni Lagumbay bunsod na rin ng halos hindi na napagkikita ang mga Konsehal sa kanilang tanggapan gayundin sa mga sessions at committee hearings at itinutuon ang panahon sa maagang pangangampanya tulad ng pag-iikot sa kanilang mga distrito.
Binigyang diin ni Lagumbay na hindi masama na ubusin ang oras ng mga re-electionist sa kanilang constituents pero napaka-aga pa para mangampanya.

Mas makabubuti anyang tapusin muna ang pagkilos sa mga nakabinbing mga ordinansa sa City Council at makiisa sa mga session at committee hearings ng Konseho bago ang political ambitions.

Dapat umanong alalahanin ng mga konsehal na nang sila’y iluklok ng mga taga-QC noong 1998 elections ay nangako silang gagampanan ang mga ibinigay na responsibilidad para sa kanilang kapakanan sa ilalim ng kanilang panunungkulan.

"Wala namang masama kung magbibigay tayo ng panahon para sa mga botante as long as ang mga Konsehal ay uma-attend ng sessions at committee hearings... in the first place, ang kanila namang kapalaran sa pulitika ay nakasalalay pa rin sa kanilang mga performance at hindi sa kung anong haba ng oras ang uubusin sa mga constituents," pahayag pa ni Lagumbay. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments