Amok sa Tondo: 5 sugatan

Lima katao ang malubhang nasugatan kabilang ang tatlong ginang nang sumalakay at walang habas na manaksak ang isang 35-anyos na lalaki, na hinihinalang may diperensya sa pag-iisip sa Tondo, Maynila kahapon ng umaga.

Ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center sina Estrelita Hugo, 50, kapatid nitong si Rosario de Asis, 45; Adelaida Echelar, 55 at Henry Rono, 34, binata, pawang mga nakatira sa Interior 5 Panday Pira St., Tondo.

Nasugatan naman habang umaawat ang tanod na si Virgilio Selda ng nasabi ring lugar.

Naaresto naman ng pulisya matapos na makapanakit ang suspek na si Emmanuel Matic, 35, binata, walang hanapbuhay, ng 1538 Int. 5 Panday Pira St.

Sa pagsisiyasat ni PO3 Arnold Echelar, may hawak ng kaso, bandang alas-9:20 ng umaga ay may nakaaway si Matic sa kanilang lugar.

Nakita umano ni Echelar si Matic na duguan sa ulo kaya nagmagandang loob ang ginang at niyaya ang huli sa loob ng bahay upang gamutin ang sugat nito.

Habang nasa loob ng bahay ang suspek ay bigla itong kumuha ng patalim at walang sabi-sabing sinaksak si Echelar.

Nagsisigaw ang ginang ng muli siyang sasaksakin ng suspek na tila nanlilisik ang mga mata at mabilis na humingi ng saklolo sa kanilang mga kapitbahay.

Sumaklolo si Rono pero siya ang hinarap ng suspek at sinaksak.

Nang lumabas ang suspek sa bahay ng ginang ay pinagsasaksak nito ang bawat masalubong kabilang na sina Hugo at de Asis.

Bago nagawang mapigil ang suspek ng mga nagrespondeng pulis ay sinaksak pa nito ang umawat na tanod na si Selda. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments