Magka-live-in pinaslang

Minsan pang umiral ang kuwento nina Cain at Abel makaraang magbuwis ng buhay ang nakababatang kapatid sa kamay ng kanyang nakatatandang kapatid.

Matagal nang alitan ang pinaniniwalaang motibo ng isang 60-anyos na lalaki upang patayin ang kanyang nakababatang kapatid pati na ang ka-live-in nito, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Conrado Burgos, 39, samantalang sa ulo napuntirya ang asawa nitong si Marissa Ignacio, 38, pawang residente ng 2133 Bato Ext., Tondo.

Kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek na si Romeo Burgos.

Sa imbestigasyon ni SPO3 Ismael dela Cruz ng Western Police District Homicide Section, dakong alas-10:30 kamakalawa ng gabi, naglalakad sa Bato Ext. ang magka-live-in nang biglang sumulpot ang suspek at pinaputukan ang dalawa saka tumakas. (Ulat ni Andi Garcia)

Show comments