Ginabi sa pamamasyal, misis tinarakan ng selosong lover

Naging madugo ang pagsalubong sa bagong taon ng isang ginang matapos itong tarakan ng basag na bote ng ilang ulit ng kanyang live-in partner ng magselos ang huli makaraang gabihin sa pamamasyal ang una kasama ang mga kaibigan nito, kahapon ng madaling araw sa Makati City.

Ligtas na sa tiyak na kamatayan si Largenia Montera, 27, chicken vendor, ng #4166 Ponte st., siyudad na nabanggit. Naaresto naman ang kinakasama nitong si Ramil Jostol, 27.

Sa report ni PO2 Mylene Canlobo ng Makati police, nagalit at nagselos umano si Jostol dahil sumama si Montera sa mga kaibigan nitong babae na mamasyal at ginabi sa pag-uwi.

Nang sitahin ng lalaki ay nauwi sa pagtatalo ang pag-uusap hanggang sa magbasag ng bote ang suspek at pagsasaksakin ang babae. Humingi ng saklolo sa mga tanod ang biktima kaya nadala ito sa pagamutan at nadakip ang suspek.

Di pa malaman kung iuurong ng biktima ang pagsasampa ng reklamo laban sa kanyang lover. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments