Kinilala ni NBI acting director Carlos Caabay ang suspek na si Geron delos Santos, alyas Jun, 21, binata, janitor at kasalukuyang naninirahan sa #1717 Maceda st., Sampaloc, Manila.
Nabatid sa imbestigasyon ng NBI-Special Task Force na pinamumunuan ni Atty. Max Salvador, na ilang linggo nilang minatyagan ang Somerset Mansions Tower na nasa Leveriza st., Pasay City matapos makatanggap ng impormasyon na ginagamit umano itong safehouse ng ilang big-time drug dealers.
Naging positibo ang report nang isang security guard sa nasabing condominium ang tumawag sa kanilang tanggapan at isinumbong na isang plastic ng shabu ang nakita nito sa pag-iingat ni delos Santos.
Kamakalawa ay sinalakay ng NBI ang Unit 706 at nadiskubre sa kuwarto ang ilang travelling bags na naglalaman ng shabu at matataas na kalibre ng baril na kinabibilangan ng handguns, mga bala, grenade triggers, bullet proof vests at granada.
Inamin ni delos Santos na nakapagbenta na siya ng shabu, walong assault rifles at handguns sa tulong ng kanyang mga kaibigan.
Sa rekord ng Somerset, isang Sandra Lim ang nakarehistrong may-ari ng Unit 706 at kasosyo sa pagbabayad ng upa ang ilang Korean at Taiwanese nationals na pinaniniwalaang sangkot din sa illegal na operasyon.
Isang manhunt operation na ang inilunsad ng NBI para sa ikadarakip ni Lim na nagtatago sa pangalang Sandra Cam at Sandra de Villa. (Ulat nina Grace Amargo at Ellen Fernando)