Hindi na naisalba ng mga doktor sa Sto. Niño Memorial Hospital sa Marikina City ang biktimang nakilalang si Cecille Magallanes, estudyante, tubong Daraga, Albay at kasalukuyang naninirahan sa Marcos Highway, Bgy. Dela Paz, Pasig City.
Inoobserbahan naman sa Amang Rodriguez Medical Center ang isa pang biktima na si Rodrigo Meneses, 19, stay-in sa Manlith Construction Development Corporation (MCDC) sa may Marcos Highway, Bgy. Dela Paz, dahil sa tinamong mga saksak sa kanyang likuran.
Pinaghahanap naman ng Pasig police ang nakatakas na suspek na si Eddie Magallanes, 27, binata, karpintero ng MCDC at residente ng Pagkakaisa st., Zone I-A, Muntinlupa City.
Sa ulat ni PO3 Ernesto Paraso, nabatid wala sa sariling naghamon ng patayan ang suspek dahil sa matinging pagkalasing sa may compound ng MCDC na armado ng isang patalim dakong alas-10 ng gabi.
Bigla na lamang umanong nanghabol ito ng mga taong naroroon sa naturang lugar at napagdiskitahan ang dalagitang biktima na naabutan dahil sa mabagal nitong pagtakbo.
Matapos muling nanghabol ang suspek at nagahip naman ng kanyang pananaksak si Meneses. Agad naman itong nanakbo at nakatakas bago pa man dumating ang mga rumespondeng mga barangay tanod.
Ayon sa mga kasama sa trabaho at nakainuman ng suspek, bago umano ito magwala ay idinaing umano nito sa kanila ang hirap na nararanasan ng kanilang pamilya dahil sa maliit na sinasahod at hindi man lang kayang pasayahin ang kanyang pamilya. (Ulat ni Danilo Garcia)