'Striker' ng carnapping syndicate timbog; 5 'hot cars' narekober

Limang ‘‘hot cars’’ kabilang na ang isang owner type jeep na pag-aari ng isang pulis ang narekober ng pulisya matapos nilang masakote ang isang miyembro ng isang sindikato ng carnapping habang pinaplanong tumangay na naman ng isa pang sasakyan, kamakalawa ng hapon sa San Juan, Metro Manila.

Nakakulong sa San Juan detention cell ang suspek na si Arwin Cruz, 36, ng Lot 1 Block 9, Venice Subd. Jasmin St., Cainta, Rizal. Nakatakda itong isailalim sa matinding interogasyon upang matukoy ang kanyang mga kasamahan sa sindikato matapos na igiit nito na siya ay isa lamang umanong ‘‘striker’’ at hindi na nagpaliwanag pa.

Sa ulat ng pulisya, isang mobile patrol car ang nakapansin kay Cruz na pinakikialaman ang isang sasakyan na nakaparada sa may Hoover St., Bgy. Addition Hills, San Juan.

Nang sitahin ng mga pulis, itinanggi nito na isa siyang karnaper. Ngunit ng dalhin siya sa San Juan police station, dito nadiskubre na isang hot car ang minamaneho niyang kulay abong Toyota Lite Ace (TGU-885). Nakuha rin sa loob ng sasakyan ang isang pares na side mirror ng isang Mitsubishi Pajero at isang pakete ng shabu.

Nang muling usisain, inamin ni Cruz na ninakaw nga nila kasama ang ilang kasamahan sa sindikato ang sasakyan sa tapat ng San Juan Medical Center noong Nobyembre 16. Inamin rin nito na may apat pang sasakyan na nakaimbak malapit sa kanyang tahanan.

Kasama ang suspek, agad na nagtungo sa bayan ng Cainta ang mga pulis at narekober dito ang isang owner type jeep (PTV 128), Kia Pride (NYZ157); maroon Toyota Lite Ace (TBZ371) at isang asul Toyota jeep (TKL-925).

Nakatakda namang makipag-ugnayan ang San Juan police sa Traffic Management Group sa Camp Crame upang i-turn over ang mga sasakyan, at maisauli sa mga tunay na may-ari nito.

Nabatid rin na ang narekober na owner type jeep ay pag-aari ni SPO1 Ronald Andres, nakatalaga sa Malabon police station. Nakatakda na ring tawagan si Andres upang makuha nito ang kanyang sasakyan. (Ulat ni Danilo Garcia).

Show comments