Namatay habang ginagamot sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktima na nakilalang si Rizaldy Roncal, Jr., 16, 2nd year high school, miyembro ng DBM at nakatira sa #315 Tulip St., Lakandula, Tondo.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang mga suspek na umanoy pawang kasapi ng True Brown Style (TBS) gang na nakilala lamang sa mga alyas na Peter, Andrew, kapwa 16-anyos at Bobby, 17, pawang mga naninirahan sa Tagumpay St., Tondo, Maynila.
Sa isinagawang pagsisiyasat ng pulisya na bandang alas-3:15 ng madaling-araw nang magkasagupa ang grupo ng DBM at TBS sa harapan ng Hair Beauty Parlor at Cebuana Pawnshop sa pagitan ng Luwalhati at Kagitingan Sts.
Nauna rito, kagagaling lamang umano sa paglalaro ng volleyball ang biktima at kanyang grupo nang napadaan ang mga ito sa naturang lugar upang bumili ng softdrinks.
Dumating naman ang grupo ng suspek at ang ilan sa mga ito ay may hawak na bote. Inatake ng mga ito ang grupo ng biktima at ipinalo ang dalang mga bote.
Sinamantala naman umano ng isa sa mga suspek na si Peter ang pagkakagulo at dumistansya ng ilang metro sa mga nagrarambulan at saka binaril si Roncal.
Nang bumulagta ang biktima ay mabilis na nagkanya-kanyang takas ang mga suspek. (Ulat ni Ellen Fernando)