Ito ang tahasang naging reaksyon ni Malabon Mayor Amado "Boy" Vicencio sa graft charges na inihain laban sa kanya ng dalawang konsehal sa Ombudsman kamakailan.
Sina Konsehal Edilberto Torrens at Ma. Luisa Villaroel ang nagsampa ng kasong graft laban kay Vicencio dahilan sa umanoy maanomalyang pag-award nito ng kontrata sa pagpapagawa ng bagong munisipyo sa Bgy. Catmon, Malabon.
Sinabi ni Vicencio na ang nasabing kontrata na naibigay sa Principal Management Group, Inc. (PMGI) at Serg Construction at hindi sa Sergcon Development Corporation o Sergcon Inc. na umanoy mapapatunayan sa minutes ng meeting para sa kontrata ng Malabon Pre-Qualification Bids and Awards Committee (PBAC).
Ang dalawang sinasabing "entities", ang Sergcon Development Corporation at Sergcon Inc. ay lumalabas lamang sa isyung ito dahil sa isang malinaw na pagkakamali sa preparasyon ng dokumento ukol sa "pre-qualification bidders, notice of award and contract agreement."
Sinabi pa ng naturang alkalde na maliwanag na ang buong isyu ay pagkakamali lamang ng mga kawani sa kanilang trabaho at isang "clerical o typographical error" na nilahukan lamang ng pulitika. (Ulat ni Gemma Amargo)