Mister iniwan ni misis nagbigti

Hindi nakayanan ng isang 26-anyos na mister ang pag-iwan sa kanya ng kanyang misis kung kaya nagpasya itong magpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti, kamakalawa ng umaga sa loob ng kanyang kuwarto sa Marikina City.

Si Ronald San Diego, may asawa, at residente ng #77 C.M. Recto st., Parang, Marikina, ay nadiskubreng nakabitin sa loob ng sariling kuwarto nito gamit ang isang kawad ng kuryente.

Ayon sa ina nitong si Gavina, napilitan siyang pasukin ang kuwarto ng anak makaraang hindi ito sumagot nang tawagin niya dahil huli na ito sa papasukang trabaho. Wala namang suicide note na natagpuan sa kuwarto ng biktima.

Nabatid pa sa ina na may ilang linggo pa lamang umanong naghihiwalay ang biktima at misis nito matapos ang matinding pag-aaway. Hindi naman batid ng mga kaanak ng biktima kung ano ang pinag-awayan ng mag-asawa na naging dahilan ng kanilang paghihiwalay.

Isinailalim na rin sa awtopsiya ang bangkay ni San Diego upang mabatid kung may foul play. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments