Babae tiklo sa P2.5M shabu

Isang dalagita na umano’y drug courier ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine National Police-Aviation Security Group makaraang matuklasan ang mahigit kumulang sa isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P2.5 milyon sa Manila Domestic Airport patungong Cebu.

Ayon kay PNP-ASG Col. Arnulfo Taberdo, nalaman sa imbestigasyon ng pulisya na dakong alas-2:15 ng hapon nang masakote ang suspek na si Gina Rascal y Macanso alyas Jenah Rico, 17, ng #32 Kaunlaran st., Commonwealth, Quezon City, habang pumapasailalim ito sa routinary security inspection ng mga awtoridad sa lahat ng papaalis na pasahero ng Manila Domestic Airport final check area.

Papasakay na sana sa Cebu Pacific Airways, flight 5J-569 patungong Cebu si Rascal nang matuklasan nina Febe Valenzuela, Trining Loreca at Janice Mendoza, pawang PNP-ASG non-uniformed personnel na nakatalaga bilang duty frisker at x-ray operator, ang dalang 10 sisidlang plastik ng suspek na naglalaman ng shabu.

Ang droga na tumitimbang ng mahigit sa isang kilo ng shabu na may street value na P2.5 milyon ay natagpuan ng mga awtoridad na nakatago sa suot na sandalyas ng suspek.

Sinabi ni Ele na kanilang inaasahang daragsa ang kanilang madarakip na mga "drug courier" sa mga susunod na mga araw, partikular ang mga biyahe ng eroplano na nagtutungo ng Cebu, Davao at Palawan matapos makumpirma sa A-1 intelligence reports na muli na namang aktibo ang mga provincial-based drug traffickers bilang paghahanda sa nalalapit na Kapaskuhan.(Ulat ni Butch Quejada)

Show comments