Hindi na umabot ng buhay sa Fort Bonifacio Hospital sanhi ng tinamong dalawang tama ng bala ng kalibre .38 baril sa leeg at katawan ang biktimang si Mary Joy Dimaano, 25, optometrist ng Acebedo Optical at nakatira sa Blk 45 Lot 14 Bgy. Central Bicutan, Taguig, Metro Manila.
Dead-on-the-spot naman ang suspek na si Pascual Porta Jr., 30, nobyo ng biktima, optical attendant sa nabanggit na kumpanya at nakatira sa #054 Malugay st., United Parañaque subdivision, Bgy. San Martin de Porres, Parañaque City sanhi ng tama ng bala sa ulo.
Sa imbestigasyon ng Parañaque police, naganap ang insidente dakong alas-12:15 kahapon ng madaling araw sa bahay ng suspek.
Nabatid na magkasama sa trabaho ang biktima at suspek kung saan ang dalaga ay madalas umanong natutulog sa bahay ng naturang nobyo.
Ayon sa mga kapitbahay na tumangging magpabanggit ng pangalan, nakarinig sila ng limang putok na nagmumula sa bahay ng suspek at pagkalipas ng ilang oras ay biglang tumahimik. Nagduda sila at agad pinuntahan ang bahay ni Porta. Winasak nila ang bintanang salamin at dito nakita ang duguang magnobyo.
Sinabi pa ng mga kapitbahay na bago ang insidente, narinig nilang nagtatalo ang magkasintahan dahil nagseselos ang lalaki sa dalaga kung saan kagagaling lamang umano ng mga ito sa isang kasayahan, matapos sunduin ni Porta si Dimaano dahil gabi na.
Sa teorya ng pulisya, nagselos ang lalaki sa dalaga kaya’t binaril niya ang nobya at sa pag-aakalang patay na ito ay saka nagbaril sa sarili ang lalaki. (Ulat ni Lordeth Bonilla)