‘Himala’ (Part 6)
KINABUKASAN, bago ako pumasok sa klase ay nagdaan muli ako sa simbahan at taimtim na nagdasal.
Muli kong hiniling sa Diyos ang lubusang paggaling ni Tatay sa kanyang sakit na cancer sa baga.
Gaya ng mga nauna kong pagdarasal, muli na naman namutawi ang luha sa aking mga mata sa tindi nang pananalangin at pagmamakaawa sa Diyos. Ang luha ko ay tumulo sa aking kinaluluhuran na kahoy na bangko. Malalaking patak ng luha.
Pagkatapos kong magdasal, lumabas na ako ng simbahan at nagtuloy sa unibersidad. Mayroon akong klase ng alas siyete ng umaga.
Natapos ang aking klase ng alas dose ng tanghali. Sa araw ding iyon ko pupuntahan ang resulta ng isinagawang tests kay Tatay.
Malapit lamang ang clinic ng doktor na gumagamot kay Tatay—mula sa unibersidad ay 15 minutes na lalakarin.
Pero bago ako nagtungo sa clinic, muli akong nagdaan sa simbahan. Muli akong lumuhod at nagsumamo sa Diyos na pagalingin ang aking tatay sa sakit na cancer.
Matapos iyon, nagtungo na ako sa clinic.
Habang paakyat ako sa second floor kung saan naroon ang clinic, patuloy ang aking pagdarasal sa Diyos. Hiniling kong iligtas si Tatay.
Nang nasa second floor na ako, kumatok ako sa pinto ng clinic. Ang secretary ni Doc ang nagbukas ng pinto.
“Good afternoon, kukunin ko ang results ng tests ng father ko,” sabi ko sabay ng name ni Tatay.
Kinuha ng secretary sa steel cabinet ang makapal na envelope. Iniabot sa akin.
“Ipakita mo kay Doc para sabihin sa iyo ang results.Pumasok ka na sa room niya,’’ sabi ng secretary.
“Salamat.”
Habang pumapasok sa room ni Doc, kinakabahan ako. (IItutuloy)
- Latest




















