Green, Rockets pinaluhod ang LA Lakers
HOUSTON — Nagpasabog si Fil-american guard Jalen Green ng 33 points, habang ang krusyal na agaw ni Fred VanVleet ang nagpreserba sa 119-115 panalo ng Rockets kontra sa Los Angeles Lakers.
Nagdagdag si Amen Thompson ng 23 points at career-high 16 rebounds sa kanyang pagbabalik matapos patawan ng two-game suspension para sa panalo ng Houston (23-12).
Pinangunahan ni Anthony Davis ang Los Angeles (20-15) sa kanyang 30 points at 13 rebounds, habang nag-ambag si LeBron James ng 21 points, 13 rebounds at 9 assists.
Maapos ang basket ni James na nagdikit sa Lakers sa 115-117 sa huling walong segundo ng fourth quarter at isang free throw naman ang naipasok ni Alperen Sengun para sa 118-115 abante ng Rockets.
Sa posesyon ng Los Angeles ay naagaw ni VanVleet ang inbounds pass para kay James.
Nagsalpak si VanVleet isang free throw para selyuhan ang panalo ng Houston.
Sa San Francisco, tumipa si Malik Monk ng 26 points at 12 assists, habang naglista si Domantas Sabonis ng 22 points, 13 rebounds at 7 assists, sa 129-99 dominasyon ng Sacramento Kings (17-19) sa Golden State Warriors (18-17).
Sa Oklahoma City, kumolekta si Shai Gilgeous-Alexander ng 33 points at 11 rebounds sa 105-92 pagsapaw ng Thunder (30-5) sa nagdedepensang Boston Celtics (26-10) para sa kanilang franchise-record na 15-game winning streak.
Sa Cleveland, kumamada si Darius Garland ng 25 points sa 115-105 pagdaig ng NBA-leading Cavaliers (31-4) sa Charlotte Hornets (7-27).
- Latest