College student leader sinaksak sa inuman, utas

MANILA, Philippines — Isang 19-anyos na college student ang nasawi nang ito ay ataduhin ng saksak ng isang 23-anyos na lalaki sa isang inuman sa loob ng isang bahay sa Brgy. Atulayan Norte, Tuguegarao City, Cagayan noong Miyerkules ng madaling araw.
Ang biktima na nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si Zanter Troy Dela Cruz Soriano na isang student leader at miyembro ng Boys of M3 Cagayan Valley Zone skating team.
Habang suspek ay kinilalang si Vincent Danga ng Iguig, Cagayan ay naaresto ilang oras matapos na tumakas sakay ng motorsiklo at nakumpiska ang patalim na ginamit nito sa krimen.
Sa imbestigasyon ng Tuguegarao City Police, nangyari ang insidente sa pagitan ng ala-1:00 hanggang alas-2:00 ng madaling araw sa loob ng isang bahay sa nasabing barangay habang ang grupo ni Soriano ay nagtitipon at nagkakasiyahan sa kanilang pag-iinuman sa tahanan.
Gayunman, bigla na lamang umanong nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng grupo ng biktima at ni Danga kung saan bigla na lamang pinagsasaksak ng huli ang biktima.
Nagawa pang maisugod si Soriano sa San Raphael Hospital para malapatan ng lunas, pero biniwan rin ito ng buhay sa insidente, alas-2:35 ng madaling araw.Ang suspek na nakakulong ay kinasuhan ng kasong kriminal.
- Latest

















