May ‘iba’ na si mister
Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Senya, 30-anyos. Problema ko ang asawa ko. May apat kaming anak at maligaya ang aming pagsasama. Wala na akong mahihiling pa dahil nakatagpo ako ng ulirang asawa.
Pero bigla siyang nagbago. Hindi ko alam kung bakit. Hindi naman ako nagkukulang bilang asawa. Maayos ako sa sarili at maalaga sa aming mga anak at maging sa bahay. Biglang-bigla ang pagbabago niya.
Napuna ko na lagi siyang umuuwi ng madaling araw at kung minsan, kinabukasan na siya umuuwi. Kapag tinatanong ko siya, lagi niyang sinasabing nag-o-overtime siya.
Nalaman ko sa aking mga kaibigan na mayroon pala siyang iba. Nakita nila ang asawa ko na may kaakbay na iba sa isang mall. Napakasakit malaman nito. Ayaw ko siyang sitahin dahil baka magalit. Ayaw ko ring malaman ang totoo mula sa kanya dahil masakit at baka hindi ko makaya. Ano ang dapat kong gawin?
Senya
Dear Senya,
Kausapin mo siya ng masinsinan. Walang mangyayari sa pagsasawalang kibo at pagkukunwari na walang problemang nangyayari. Relasyon niyong mag-asawa ‘yan at kailangang kumilos ka para masagip sa peligro ng pagkawasak.
Ang katotohanan ay talagang masakit. Pero hindi puwedeng magkunwari ka na lang habambuhay na walang nangyayaring problema. Parang sakit na cancer ‘yan. Dahil sa denial, ayaw mong kumunsulta at magpagamot sa doktor. Pero kahit pa cancer, may nakalaang lunas kung gagamutin nang maaga. Sa kaso ninyo, may panahon pa para maresolba ang problema. Mag-usap kayo at hanapan ito ng solusyon. Walang ibang makakalutas niyan kundi kayong dalawa lang.
Dr. Love
- Latest
















