Malabon pinaigting media literacy vs misinformation
MANILA, Philippines — Pinaigting ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang pagsusulong ng Media and Information Literacy (MIL) upang magkaroon ng komunidad na mapanuri at responsable sa pagtanggap at pagbabahagi ng impormasyon.
Inilahad ng lungsod ang mga programa nito bilang UNESCO MIL Pilot City sa MIL Cities Central Hybrid Event noong Nobyembre 3, 2026, bilang bahagi ng Global Media and Information Literacy Week at World Cities Day.
Ipinakilala ng Malabon ang apat na pangunahing haligi ng programa nito: Institutionalization, Access to Information, Citizens Engagement and Action, at Knowledge and Information Sharing. Kabilang sa mga inisyatiba ang “Swipe Right, Think Right!” seminar para sa mga magulang at paggamit ng 24/7 Alert App, TXT MJS, E-BOSS, at Tourism App upang mapadali ang pag-access sa impormasyon at serbisyo ng pamahalaan. Isinusulong din ang kampanyang “Bago Mag-Share, Isip-Isip!” upang hikayatin ang mga residente na beripikahin muna ang impormasyon bago ito ibahagi.
Noong Setyembre, inilunsad ng lungsod ang “Empowering and Informed Malabon: Malabon Media and Information Literacy Journey and Roadmap” na naglalayong palakasin ang kakayahan ng mga residente sa pagsusuri at responsableng paggamit ng impormasyon.
Dagdag ni Sandoval layon ng mga programang ito na magkaroon ng mas mapanuri, responsable, at may sapat na kaalamang mga Malabonian.
- Latest

















