Chargers umeskapo sa Flying Titans

MANILA, Philippines — Itinakas ng Akari ang pahirapang 25-19, 22-25, 25-21, 19-25, 16-14 panalo laban sa Choco Mucho para sa kanilang bounce back win sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Humataw si Eli Soyud ng 17 points mula sa 13 attacks, tatlong blocks at isang block para sa 3-3 baraha ng Chargers at makatabla ang Flying Titans sa third spot sa ilalim ng Nxled Chameleons (5-0) at Creamline Cool Smashers (4-1).
Nagpalitan ng panalo ang dalawang koponan patungo sa fifth set kung saan kinuha ng Akari ang 12-8 abante galing sa service error ni Maddie Madayag ng Choco Mucho.
Sa pagbibida ni Kat Tolentino ay nakatabla ang Flying Titans sa 14-14.
Ang off the block kill ni Soyud kasunod ang nagpanalong block ni setter Mars Alba kay Sisi Rondina-Rosales ang sumelyo sa panalo ng Chargers.
Sa unang laro, pumalo si Fil-Am Brooke Van Sickle ng 13 points at tumipa si setter Gel Cayuna ng 16 excellent sets sa 25-13, 25-20, 25-18 pagwalis ng Nxled sa Capital1 Solar Energy.
Patuloy na sinolo ng Chameleons ang liderato bitbit ang 5-0 record na nagpalakas sa kanilang tsansa sa semifinals spot.
Nag-ambag si Fil-Am middle blocker MJ Phillips ng siyam na marka kasunod ang tig-pitong puntos nina Jackie Acuña at Jonah Sabete-Escamilan.
Laglag ang Solar Spikers sa ikatlong dikit na kamalasan para sa 2-4 baraha bagama’t nakahugot kay Erika Santos ng 12 points.
Nalimitahan sina Bella Belen at Vanie Gandler sa anim at pitong marka, ayon sa pagkakasunod.
Kinuha ng Nxled ang 19-11 kalamangan sa first set para angkinin ang 25-13 panalo bago isunod ang second frame, 25-20, na nagbaon sa Capital1 sa 2-0.
Ang magkadikit na hataw ni Sabete-Escamilan ang naglayo sa Nxled sa 20-15, samantalang ang block ni Pablo sa palo ni Belen ng Solar ang kumumpleto sa kanilang sweep.
- Latest





















