Bagitong pulis, patay sa sariling baril

Aksidenteng pumutok
MANILA, Philippines — Patay ang isang bagitong pulis nang aksidenteng pumutok ang sariling baril at tamaan siya sa noo habang nasa opisyal na duty sa loob ng isang barangay hall sa Sampaloc, Manila kahapon ng umaga.
Idineklarang dead-on-arrival sa Chinese General Hospital ang 35-anyos na pulis na may ranggong Patrolman at nakatalaga sa Sampaloc Police Station 4 (PS-4) ng Manila Police District (MPD) at residente ng Balut, Tondo, Manila.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-6:50 ng umaga nang maganap ang insidente sa loob ng barangay Hall ng Barangay 509, na matatagpuan sa E. Quintos St., malapit sa Dapitan St., Sampaloc.
Bago ang insidente ay kasalukuyan umanong nasa official duty ang biktima, kasama ang ilang kasamahang pulis at nagsasagawa ng barangay visitation sa naturang lugar.
Gayunman, habang tsini-check umano ng biktima ang kanyang baril ay aksidente itong pumutok at minalas na tamaan siya ng bala sa noo.
Ipinaalam na sa pamilya ng biktima ang insidente.
- Latest















