VP Duterte, ‘di na makakatakbo sa 2028 polls kung guilty sa impeachment
MANILA, Philippines — Pinal na diskwalipikasyon sa 2028 presidential elections ang kahaharapin ni Vice President Sara Duterte kung siya ay mapapatunayang guilty ng Senate impeachment court.
Ito ang kinumpirma ng mga kinatawan at private prosecutors ng House prosecution panel, tulad nina Atty. Benjamin Tolosa at Rep. Gerville Luistro, sa ilalim ng Article XI, Section 3(7) ng 1987 Konstitusyon.
Batay sa ilalim ng Article XI, Section 3(7) ng 1987 Constitution, ang hatol na guilty sa isang impeachment case ay may dalawang pangunahing parusa na hindi maaaring ihiwalay o i-compromise.
Ang parusa sa sinumang mapapatunayang nagkasala sa isang impeachment trial ay hindi lamang pagpapatalsik sa puwesto kundi kasama rin ang perpetual disqualification o habambuhay na pagbabawal na humawak ng anumang pampublikong tungkulin sa gobyerno, maging lokal man o ng bansa.
Nilinaw din nina Luistro at Tolosa Jr. na hindi pwedeng magkaroon ng kasunduan kung saan magre-resign lang si VP Sara kapalit ng pagpayag na tumakbo siya sa 2028 elections.
Kung mapapatunayang guilty kahit sa isang article of impeachment lang, kasama na rito ang permanenteng ban sa gobyerno.
Sa kabila ng kinakaharap na trial hinggil sa umano’y unexplained wealth matapos hindi na isinali ang ibang reklamo tulad ng grave threats at misuse of confidential funds upang mapabilis ang kaso, nananatili pa ring nangunguna si VP Sara sa mga 2028 presidential preference surveys kung saan nakakuha siya ng 50% voter preference sa pinakahuling ulat ng Pulse Asia.
Ayon naman kay COMELEC Chairman George Garcia, maaari pa ring maghain ng Certificate of Candidacy (COC) ang sinumang indibidwal hangga’t wala pang final and executory na desisyon ang korte o ang kaukulang tribunal.
- Latest


















