Leni-Manny sa 2028, dinismis ng Malacañang
MANILA, Philippines — Binaliwala lang ng Palasyo ng Malacañang ang kumakalat na balita tungkol sa umanoy planong 2028 administration slate na Naga City Mayor Leni Robredo at dating Senador Manny Pacquiao.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na wala siyang detalye tungkol dito dahil nakatutok lang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang trabaho.
“Ang tutok po ng Pangulo, unang una, kailangan tugunan ang problema sa paparating na Super El Niño.
Marami pa pong dapat tugunan, pati po itong mga isyu tungkol sa krisis sa Middle East”, ayon kay Castro.
Maaga pa rin aniya para pag-usapan ang tungkol sa eleksyon.
“Sa ngayon po ay hindi politika o pamumulitika ang iniisip ng administrasyon. So, trabaho lang po muna tayo, huwag puro eleksyon, eleksyon, aksyon, aksyon muna” giit pa ni Castro.
Ang reaksyon ni Castro ay dahil sa pahayag ng political strategist Lito Banayo sa isang interview na plano ng palasyo na kunin si Robredo at Pacquiao bilang standard bearers ng administrasyon sa 2028 elections.
‘Lito Banayo” As in Lito Banayo” Sarili niyang political strategy? Hindi naman siya parte ng administrasyon”, saad ni Castro.
- Latest




















