192K 4Ps qualified student, todo-aplay sa TES ng DSWD
MANILA, Philippines — Umabot na sa 192,000 na mga estudyanteng mula sa 4Ps households ang nag-apply para sa Tertiary Education Subsidy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ito ay kasunod nang paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Republic Act No. 12325 o ang “Act Enhancing the Universal Access to Quality Tertiary Education Act,” na nagpapalawak ng access sa tertiary education at educational assistance para sa mas maraming Pilipino. Kasama sa prayoridad dito ang mga estudyante mula sa 4Ps families.
Ayon kay DSWD Asec. Atty. Elaine F. Fallarcuna ng Conditional Cash Transfer Group sa tulong nito ay matitiyak na masusuportahan na ang pangarap at makapagtapos sa kolehiyo ang mga bata mula sa 4Ps.
Sa ngayon, tuluy-tuloy na aniya ang assessment at validation ng CHED-UniFAST sa mga aplikasyon.
Kabilang sa mga aplikante ang nasa 81,000 first-year students, 55,000 second-year at 35,000 third-year students.
Mayroon ding nasa 71,000 beneficiaries na nag-aaral sa private higher education institutions.
Bukod sa libreng tuition, kabilang sa mga benepisyo ang allowance para sa lodging at mga libro.
Tiniyak naman ng DSWD na susubaybayan ang mga benepisyaryo hanggang sa kanilang pagtatapos sa kolehiyo.
- Latest
















