Bumbero todas sa ambush, 3 pa sugatan

MANILA, Philippines — Patay ang isang miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) habang tatlo pa ang nasugatan makaraang paulanan ng bala ng hindi pa nakilalang riding-in-tandem na mga armadong salarin sa naganap na ambush sa Brgy. Bubongaranao, Calanogas, Lanao del Sur noong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ang nasawing biktima na si Fire Officer 1 Abdul Hamid Dimaren, 36-anyos, nakatalaga sa BFP Station sa bayan ng Malabang ng lalawigan.
Ang mga nasugatan na mabilis isinugod sa pagamutan ay nakilala namang sina ret Fire Senior Inspector Maximino Ventura, 57 taong gulang; Senior Fire Officer 2 Margie Ventura, 46 at Fire Officer 2 Hanin Balindong. Sina Dimaren at Ventura ay kapwa nakatalaga sa Malabang BFP Station.
Sa ulat ni Lanao del Sur Provincial Police Office Director P/Col. Caesar Cabuhat, nangyari ang pananambang sa mga biktima sa highway ng Brgy. Bubongaranao, Calanogas dakong alas-7:30 ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang lulan ang mga biktima ng kulay itim na Toyota Hilux (AEG 584) galing sa bayan ng Masiu at patungong Malabanang ng paulanan ng bala ng dalawang armadong salarin na magkaangkas sa motorsiklo.
Sunud-sunod na putok ang umalingawngaw sa behikulong sinasakyan ng mga biktima kung saan nasapul ng tama ng bala si Dimaren na siyang kumitil sa buhay nito. Ilang saglit pa ay mabilis namang nagsitakas ang mga salarin.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang motibo ng krimen upang matukoy at masakote ang mga salarin.
- Latest



















