Misis patay sa saksak ng lover
Nagselos sa nabasang text message…
MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang 29-anyos na misis nang ataduhin nang saksak ng kanyang live-in partner matapos na magselos sa nabasang text message sa cellphone nito naganap nitong Martes ng umaga sa loob ng kanilang bahay sa Las Piñas City.
Kinilala ni Las Piñas police chief Col. Fermin Almendarez ang biktima na si alyas “Laiza”, na nagtamo ng mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang suspek na si alyas “Limuel”, 35, ay agad naaresto ng mga rumespondeng otoridad sa kanilang bahay sa Lopez Compound, Barangay Manuyo Uno.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-3:30 ng madaling araw ay narinig ng mga kapitbahay ang pagtatalo ng magdyowa na kung saan ay kinompronta ng suspek ang biktima sa nabasa nitong text message na naging dahilan ng pagselos nito.
Ilang sandali ay narinig din ng mga residente ang paghingi ng saklolo ng biktima kaya’t iniulat ito sa barangay at pulisya.
Dakong alas-7:50 ng umaga ay dumating ang mga otoridad sa lugar at nakita ang duguang bangkay ng biktima at agad din inaresto ang suspek.
Itinuturing ng mga otoridad na isang crime of passion ang krimen habang ang suspek ay nakakulong na at kinasuhan ng murder.
- Latest




















