Subukan ang emergency fund
Isa sa mga matagal nang itinuturo sa financial literacy ang pagkakaroon ng emergency fund. Madalas itong ipinapayo sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) at kanilang pamilya upang hindi agad maubos ang kanilang pinagpagurang kita kapag may dumating na problema. Ngunit hindi lamang ito para sa mga OFW. Mahalaga ito para sa lahat ng tao, anuman ang kanilang edad, hanapbuhay o katayuan sa buhay.
Sa pinakasimpleng paliwanag, ang emergency fund ay perang nakalaan lamang para sa mga hindi inaasahang pangyayari. Hindi ito para sa bakasyon, bagong cellphone, handaan, luho o anumang bagay na maaaring ipagpaliban. Nakahiwalay ito sa karaniwang ipon at ginagamit lamang kapag may tunay na emergency.
Isa sa pinakamahalagang gamit ng emergency fund ay para sa mga gastusing medikal. Sa panahon ngayon, napakamahal magkasakit. Kahit simpleng pagpapaospital lamang ay maaaring umabot sa daan-libo. Kapag kinailangan ng operasyon, espesyal na pagsusuri o matagal na pananatili sa ospital, maaaring umabot sa ilang milyon ang gastusin.
Totoong malaking tulong ang PhilHealth, HMO at iba pang health insurance. Ngunit may mga pagkakataong hindi pa rin nito nasasagot ang lahat ng bayarin. Maaaring may mga gamot, laboratory test, professional fee ng doktor at iba pang gastusing kailangang sagutin ng pasyente at kanyang pamilya. Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang pagkakaroon ng nakahandang pondo para sa panahon ng kagipitan.
Karaniwang payo ng mga financial expert na magkaroon ng emergency fund na katumbas ng tatlo hanggang anim na buwang gastusin ng isang pamilya. Ngunit hindi naman ito nangangahulugan na kailangang mabuo agad ang ganoong kalaking halaga. Ang mahalaga ay makapagsimula.
Totoong mahirap makaipon lalo na sa panahon ng mataas na presyo ng mga bilihin. Maraming Pilipino ang halos sapat lamang ang kita para maitawid ang pang-araw-araw na pangangailangan. Gayunman, hindi kailangang malaki agad ang itabi. Maaaring magsimula sa P20, P50 o P100 kada araw o kada linggo depende sa kakayahan. Ang mahalaga ay maging regular at disiplinado sa pag-iipon.
Maraming tao ang nag-aakalang walang saysay ang pagtatabi ng maliliit na halaga dahil napakabagal lumaki ng ipon. Ngunit ang sikreto ng pagbuo ng emergency fund ay hindi nakasalalay sa laki ng unang naitatabi kundi sa pagiging tuluy-tuloy nito. Ang matiyaga at paunti-unting pag-iipon ay maaaring maging libu-libo o sampu-sampung libong piso paglipas ng panahon.
Mas mabuti nang magkaroon ng maliit na emergency fund kaysa wala. Kapag dumating ang oras ng pangangailangan, malaking tulong na ang maibibigay ng perang matiyagang naipon.
Hindi natin alam kung kailan darating ang sakit, aksidente, kalamidad o iba pang pagsubok ngunit maaari nating paghandaan. Ang emergency fund ay hindi lamang simpleng ipon. Isa itong proteksiyon para sa sarili at pamilya at nagbibigay ng kapayapaan ng isip sa gitna ng mga hindi inaasahang pangyayari.
•••••
Email – [email protected]
- Latest















