Luma at sirang bandila i-recycle
Sa ilalim ng lumang batas na Republic Act No. 8491 o the Flag and Heraldic Code of the Philippines, ang mga pambansang bandila ng Pilipinas na lubha nang kupas, marami nang punit at sira-sira ay dapat sinusunog sa isang magalang at taimtim na paraan. Hindi ito tulad ng pagsusunog ng basura. Isinasagawa ito sa isang mataimtim at magalang na seremonya sa pagsunog sa mga wasak nang bandila para hindi ito magamit sa mali o masamang paraan o mabastos.
Gayunman, isinusulong ng Department of Science and Technology na maamyendahan ang naturang batas para mapagretiro ang mga luma at sirang bandila ng bansa sa paraan na pabor sa kalikasan sa pamamagitan ng recycling at repurposing.
“Nakalagay kasi mismo sa titik ng ating batas na talagang ang pagsusunog po ang pamamaraan ng pagreretiro ng watawat,” paliwanag ni DOST-Philippine Textile Research Institute Director Julius L. Leano kasabay ng isinagawang seremonya noong Mayo 26, 2026 sa pagsusunog at wastong disposisyon ng mga luma at sirang watawat ng Pilipinas bilang paghahanda sa paggunita ng Araw ng Kalayaan at bilang pagsunod sa tamang paghawak sa mga pambansang simbolo.
Gayunman, nais aniya ng DOST-PTRI na kilalanin ang recycling bilang isang magalang na paraan ng pagpaparetiro sa mga sira at punit-punit na bandilang Pilipinas na hindi na makilala at napakalayo na sa dati at orihinal niyang anyo. “Bagkus binibigyan natin ng panibagong buhay yung watawat,” dagdag ni Leano.
Sinabi ng DOST-PTRI na ang makukuhang mga fiber sa recycling ng sirang bandila ay magagamit kinalaunan sa ibang textile applications. Mula 90 hanggang 90 porsiyento ng materyales ay maaari pang mapakinabangan sa recycling.
Sinabi naman ni DOST Secretary Renato U. Solidum Jr. na dapat subukan ng bansa ang ibang mga alternatibo habang iginagalang ang dignidad ng bandila ng Pilipinas. “Napakaluma na ng ating batas kaya dapat natin itong baguhin. Magagamit natin ito nang maayos,” paliwanag niya kasabay ng pagdiin sa halaga ng pagbawas sa mga basura at suportahan ang pangangalaga sa kapaligiran.
Idinagdag ni Solidum na pinangungunahan ng DOST-PTRI ang mga pagsisikap na mapag-aralan kung paano pa mapapakinabangan ang mga lumang bandila pagkaraang magretiro ang mga ito. Maaari pang magamit sa ibang layunin ang mga sinulid.
Ipinahayag din ni Leano na ang DOST-PTRI ay patuloy na tumatanggap ng mga sirang bandila ng Pilipinas sa buong taon. Maaaring makipag-ugnayan sa DOST-PTRI o sa pamamagitan ng mga provincial science and technology offices para sa tamang pagasa at pagretiro sa mga lumang bandila. Hanggang noong Mayo 26, nakakolekta ang institute ng 3,333 wasak na mga bandila para sa kaukulang retirement at posibleng pag-recycle sa mga ito.
* * * * *
Email- [email protected].
- Latest


















