Imago (6)
IPINALIWANAG ng staff ng art gallery na isang linggo nang wala ang painting dahil may nakabili na nito. Naisip ni Nelson na baka namalikmata lang si Maya sa pag-aakalang wala pa itong pahinga.
Hindi na nakipagtalo si Maya dahil totoo naman na pagod siya simula pa kahapon.
“Tama ka, Nelson. Baka hallucination ko lang ‘yon dala ng pagod,” pilit ang ngiting sabi ni Maya, kahit na ang totoo ay parang sinasaksak ang kanyang puso. Alam niyang hindi siya nagkakamali. Pero bilang journalist, alam niyang walang silbi ang katotohanan kung wala kang ebidensiya.
Sumunod si Maya habang papalabas sila ng gallery, ngunit ang kanyang isip ay naiwan sa bakanteng pader. Nagkunwari siyang sumasang-ayon ngunit sa loob-loob niya ay napagtanto niyang mag-isa na siya sa laban na ito. Hindi niya maaaring isama si Nelson sa panganib na hindi nito pinaniniwalaan.
Habang naglalakad sa Ginza, biglang nanginginig na nag-vibrate ang cell phone ni Maya sa kanyang bulsa. Isang pop-up notification ang lumitaw sa screen: Unknown User wants to share a photo via AirDrop.
Kumunot ang kanyang noo. Tumingin siya sa paligid —sa dagsa ng mga turista, at mga lokal abala sa kani-kanilang buhay. Sino ang magpapadala nito?
Pinindot niya ang Accept.
Muntik nang mabitawan ni Maya ang telepono. Ang larawang ipinadala ay kuha kahapon sa loob ng gallery. Mula sa likuran, kitang-kita ang kaniyang sarili habang nakatayo sa tapat ng painting ni Mina—ang painting na pinalalabas ng museo na matagal nang nawala. Kasunod ng larawan ay isang maikling text message sa wikang Tagalog:
Naniniwala ako sa ‘yo, Maya. Maganda ang kuha ko sa ‘yo, hindi ba?
(Itutuloy)
- Latest

















