ICC, pinayagan ang testimonya vs Davao Death Squad

MANILA, Philippines — Pinayagan ng International Criminal Court (ICC) ang prosekusyon na gamitin bilang ebidensya ang nakaraang nakasulat o recorded na testimonya ng isang confidential witness na may alyas na “P-1100” kaugnay sa operasyon ng Davao Death Squad (DDS) sa kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa ICC, may mahalagang kinalaman ang nilalaman ng testimonya sa background at pangkalahatang konteksto ng mga parusang crimes against humanity na kinakaharap ni Duterte.
Sa pagpayag sa testimonya, sinabi ng Trial Chamber III na ang paglalatag nito ay “would not be inconsistent with or prejudicial to the rights of the accused.”
Bibigyan din ang depensa ni Duterte ng buong pagkakataon na kuwestiyunin si P-1100 hinggil sa mga bagay na may kaugnayan sa kanyang testimonya.
Sinabi ng Chamber sa desisyong inilabas noong Oktubre 2 na ang paggamit sa naunang testimonya ay makatutulong din sa “advance the expeditiousness of the proceedings,” dahil mababawasan ang oras na kakailanganin ng mga taga-usig para sa pagtatanong sa witness sa korte.
Sinabi ng prosekusyon na may kaugnayan din ang testimonya ni P-1100 sa umano’y patakaran na “i-neutralize” ang mga umano’y kriminal sa Pilipinas sa pamamagitan ng mararahas na krimen, kabilang ang pagpatay, bagama’t malaking bahagi ng pampublikong bersyon ay nananatiling redacted o nakatago.
- Latest
















