Misis todas sa mga saksak ni mister

MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang misis nang ataduhin ng saksak ng sariling mister sa gitna ng kanilang mainitang pagtatalo sa loob ng kanilang bahay sa Sitio Isla Punta, Brgy. Consolacion, Cagayan de Oro City noong Biyernes ng gabi.
Naglunsad na ng manhunt operation ang mga awtoridad upang madakip ang tumakas na suspek na si Ron Chua, 35-anyos na huli nakitang papalabas ng bahay matapos ang krimen.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagsimulang magtalo ang mag-asawa mula Biyernes ng hapon hanggang sa sumapit ang gabi sa hindi pa batid na kadahilanan.
Narinig ng mga kapitbahay ang paghingi ng tulong ng biktima kaya agad silang tumawag sa pulisya.
Natagpuan ng mga rumespondeng pulis ang walang buhay na katawan ng biktima malapit sa pangunahing pintuan ng kanilang bahay.
Nagtamo ang biktima ng maraming saksak sa likod, leeg, at iba pang bahagi ng katawan na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay sa pinangyarihan ng krimen.
Nakatakdang sampahan ng kasong parricide ang suspek sa oras na siya ay maaresto.
- Latest















