Sanggol na lalaki natupok sa sunog

MANILA, Philippines — Halos hindi na umano makilala ang bangkay ng isang 1-anyos na batang lalaki na nasunog nang hindi nakalabas sa nagliliyab nilang bahay na naganap nitong Biyernes sa Brgy. Milagrosa, Carmona City, Cavite.
Natagpuang nakasubsob ang sunog na sunog na katawan ng biktima na kinilalang si Baby Tonying, residente ng lugar.
Lumalabas sa imbestigasyon, alas 9:45 ng gabi nang sumiklab ang sunog sa mismong bahay ng biktima na kung saan ay mahimbing na natutulog si Baby Tonying nang iwan sandali ng ina na nagtungo sa kapitbahay.
Bago umano umalis ang ina nito ay binilinan nito ang dalawang kapatid na mga menor-de-edad na bantayan ang biktima at huwag iiwanan.
Pagkaalis ng kanilang ina ay nagsindi ng kandila ang magkapatid at inilagay sa maliit na mesa sa kanilang kuwarto at lumabas ng bahay para maglaro.
Hinala ng mga awtoridad na posibleng natumba ang nasabing kandila at tuluyang kumalat ang apoy dahil sa gawa sa light materials ang bahay at tuluyang nasunog ang biktima.
- Latest















