AiAi, nakahanap ng bagong kaligayahan

Animnapu’t dalawang taong gulang na ngayon si AiAi delas Alas.
Nahihilig ang Comedy Queen at nagpupunta pa sa iba’t ibang bansa katulad ng Hong Kong at Rome para sa hyrox. “Yes, para mag-hyrox, nakaka-mayaman lang, ‘di ba? ‘Yon lang naman ang dahilan ko. Gusto kong magmukhang mayaman. I’m a hybrid athlete now. Parang hybrid exercises, 8-kilometer run. And after the run meron kang station hanggang 8th station,” masayang pahayag sa amin ni AiAi sa Fast Talk with Boy Abunda.
Mayroong obserbasyon ang mga anak na sina Sancho at Sophia mula nang magkaroon ng hilig ang aktres sa pagha-hyrox. “She’s happier now. Blooming si Mama, happiness niya ‘yung hyrox,” paglalarawan ni Sophia sa ina.
“Happier, hindi ko po alam kung dahil sa hyrox pero mas masaya siya. Iba ‘yung energy. Mas malakas, saka ngayon, parang mas active siya sa buhay namin especially na lola na siya. Sobrang nandoon siya palagi to take care of Mia,” dagdag naman ni Sancho.
Mainit na pinag-uusapan ngayon ang bagong video ng aktres na nai-post sa kanyang social media accounts. Nakasuot ng wedding gown si AiAi at may hawak na mga bulaklak bilang isang bride sa naturang video. “Ang kwento po kasi niyan, do’n ikakasal si Sancho. It’s an ex-deal (exchange deal). Naisip ko na mapapanood ‘to ng mga tao siyempre saka alam ko panonoorin ng mga Filipino ‘yan kasi tsismosa sila. Aabangan nila, ‘Ikakasal na naman ‘tong gaga na ‘to.’ ‘Wala talagang kadala-dala ‘tong babaeng ‘to.’ Tingnan mo 6.6 million (views), ‘Congrats, Ai, good luck.’ Kaya alam ko na, ito ang gagawin kong concept kasi alam ko panonoorin nila. Sa Tagaytay, Aquila Crystal Palace in the Sky,” natatawang pagbabahagi ng Comedy Queen.
Pagdating sa love life ng mga anak ay hindi na umano nangingialam ngayon si AiAi. “Ngayon hindi na, no’ng mga teenagers sila, ay oo makapal mukha ko. Kapag ayaw ko sinasabi ko talaga. ‘Sophia, ‘yang jowa mo bakla ‘yan.’ Sinisiraan ko, tapos sasabihin niya, ‘Mama, ano ka ba? Lahat na lang ng jowa ko sinasabi mo bading, bading.’ Kita mo, after one week, ‘‘Di ba sabi ko sa iyo bading.’ Sorry po, hindi naman kasiraan. Sinasabi ko lang sa kanya na ang gusto din no’n ay lalaki, nagkakatotoo,” kwento ng aktres.
Lubos ang pasasalamat ni AiAi sa tatlong anak na sina Sancho, Nikki at Sophia. Para sa aktres ay ang magkakapatid ang talagang nakapagbibigay sa kanya ng kalakasan sa tuwing mayroong pinagdaraanan sa buhay. “Thank you kasi nandiyan kayo kahit loka-loka si mama parati n’yo akong tinatanggap. Kahit ano mang mangyari sa buhay ko, kapag nasasalanta ako, nandiyan pa rin kayo para sa akin. Kayo ang reason kung bakit ako lumalaban sa buhay. Kasi alam ko kailangan nila ako no’n, no’ng bata sila. Kasi sa akin sila lumaki, ako lang ang nagpalaki sa kanila, nagpaaral, lahat. So sila talaga ‘yung buhay ko. And sorry, patawarin n’yo ako, kaya hindi ko nasasabi ‘yung masasakit na nararamdaman ko. ‘Yung mga nangyayari sa love life ko na pangit, kasi pinoproteksyunan ko ‘yung nararamdaman nila dahil ayaw ko silang masaktan,” emosyonal na paglalahad ni AiAi. — Reports from JCC
- Latest




















