Chinese national huli sa pekeng birth certificate

MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang Chinese national sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, matapos na nagpanggap na Pilipino at gumamit ng pekeng birth certificate upang makakuha ng Philippine passport.
Sa report ng Bureau of Immigration (BI) ang suspek na si Yao Shucheng, 36, na gumagamit din ng mga alyas na Lee at King Agbulos ay naaresto noong Linggo ng madaling araw nang dumating mula Hanoi, Vietnam, sakay ng Philippine Airlines flight PR596.
Ayon sa BI, nakakuha si Yao ng tunay na pasaporte ng Pilipinas gamit ang birth certificate na nakuha sa ilalim ng kanyang pekeng pagkakakilanlan. Halos 21 buwan din siyang nasa labas ng bansa bago bumalik sa Pilipinas. Iniuugnay rin siya ng mga ulat ng paniktik sa pamamaril noong 2024 sa Parañaque City na ikinasawi ng dalawang Chinese national.
Nasa kustodiya na ng BI si Yao habang pinag-aaralan ang deportation at permanenteng i-blacklist dito.
- Latest















