Saksi sa pagpatay sa working student na musikero, binawi testimonya

MANILA, Philippines — Binawi ng isang mahalagang saksi ang kanyang sinumpaang salaysay na nag-uugnay sa dati niyang kinakasama sa pagpatay sa kanyang nobyo na si Charles Usi, isang working student sa San Jose, Batangas.
Sa supplemental sworn affidavit na isinumite sa Batangas Provincial Prosecutor’s Office, sinabi ng saksi na nakabatay lamang sa kutob at haka-haka ang kanyang naunang mga pahayag. Nilinaw rin niyang wala siyang narinig na anumang pagbabanta mula sa dating kinakasama laban kay Usi at binawi rin ang mga alegasyon laban sa iba pang indibidwal. Inamin din niyang nagkaroon sila ng pansamantalang paghihiwalay ni Usi noong Oktubre 8, 2026, bagama’t nanatili silang magkaibigan at patuloy na nag-uusap.
Ayon kay PLtCol. Philip Aguilar, hepe ng Public Information Office ng Batangas Police Provincial Office, ibinalik ng Provincial Prosecutor’s Office ang reklamo sa complainant dahil sa kakulangan ng ebidensiya. Gayunman, maaari pa ring magsumite ng karagdagang ebidensiya upang maipagpatuloy ang pagsasampa ng kaso.
Samantala, nagpahayag ng pagkadismaya si Wilma Usi, ina ng biktima, sa pagbawi ng saksi sa nauna nitong pahayag. Sa kabila nito, tiniyak niyang hindi susuko ang kanilang pamilya sa paghahanap ng hustisya para sa kanyang anak.
Napatay si Charles Usi noong Oktubre 25, 2026 matapos pagbabarilin ng mga armadong salarin na sakay ng motorsiklo habang pauwi sa San Jose, Batangas. Una nang tinukoy ng pulisya ang love triangle bilang isa sa mga posibleng motibo sa krimen.
- Latest
















