Racer-vlogger ligtas sa ratrat ng 4 rider
MANILA, Philippines — Sugatan ang isang sikat na racer-vlogger na si “Mickey Mazo” nang barilin ng isa sa apat na lalaking nagtungo sa kanyang motorcycle shop sa Barangay San Jose, Antipolo City, nitong Huwebes ng hapon, Nobyembre 5.
Sa ulat ng Antipolo Component City Police Station, naganap ang pamamaril bandang ala-1:50 ng hapon sa Speedtuner Camp Big Falcon Shop na matatagpuan sa East Villa Road sa Sitio Parugan.
Sa inisyal na imbestigasyon, nakita na lamang ng kanyang mga empleyado na nakahandusay na ang biktima at duguan ang leeg, kasunod ng narinig na mga putok ng baril.
Sa imbestigasyon, isang saksi ang nagsabi na nakita niya habang nasa labas ng shop ang pagpasok ng apat na lalaking suspek na pawang nakasuot ng uniform na kulay gray at black helmet,
Mga putok ang narinig at tumakas na ang mga suspek sakay ng mga motorsiklo.
Naisugod sa Antipolo Doctors Hospital ang biktima na sinasabing nilalapatan ng lunas at posibleng hindi naman masyadong delikado ang tama.
Nagsagawa na ng dragnet operation ang mga rumespondeng pulis at sinimulan na rin ang pagre-review ng mga kuha ng closed-circuit television o CCTV upang matunton ang tinahak na ruta ng mga suspek.
- Latest
















