Simmers, Medina nagningning sa Siargao
MANILA, Philippines — Maningning sina Caitlin Simmers at Gabriel Medina na nagkampeon sa kani-kanyang dibisyon sa unang edisyon ng World Surf League (WSL) Championship Tour Philippines Pro kahapon sa Cloud 9 sa Siargao.
Inilampaso ng American world No. 6 na si Simmers si Australian surfer Isabella Nichols sa pamamagitan ng 12.00-10.77 desisyon upang makuha ang korona sa women’s division.
Umabante si Simmers sa finals nang pataubin nito si world No. 2 Carissa Moore sa semifinals.
Natapos ang kampanya ni Moore matapos mapatawan ng Interference Penalty 2.
Sa kabilang banda, umusad naman si Nichols sa finals nang payukuin nito ang kababayang si Australian Tyler Wright sa hiwalay na semis match.
Sa men’s final, namayagpag ang Brazilian world No. 4 na si Medina laban kay Australian Jack Robinson.
Naitarak ni Medina ang matikas na 16.93 puntos kumpara sa naitala ni Robinson na 14.50 puntos.
Nakuha ito ni Medina mula sa 9.43 sa opening wave at 7.50 sa second wave.
Nagsumite naman si Robinson ng 8.23 at 6.27 para magkasya sa runner-up.
Naibulsa nina Medina at Simmers ang $80,000 para sa kanilang kampeonato.
Sa kabilang banda, magkakamit sina Yago Dora, Ethan Ewing, Carissa Moore at Tyler Wright ng tig-$20,000.
Magbubulsa naman sina Filipino bets John Mark “Marama” Tokong at Jayuard Alciso ng tig-$14,000.
- Latest
















