Foreman pinagbabaril sa higaan, kritikal

CAVITE, Philippines — Kritikal at tadtad ng tama ng bala sa katawan nang matagpuan ang isang foreman sa higaan nito, kamakalawa sa Stateland View, Brgy. Buenavista III, Gen. Trias City.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si alyas “Chris,” 45 anyos, at residente ng lugar.
Sa ulat ng pulisya, alas-8:30 ng umaga nang madiskubre ng kasamahan nitong si alyas “Ric,” helper, ang biktima na hindi pa bumabangon sa higaan. Galing na umano siyang palengke at nadatnan pa rin niyang nakahiga ang biktima.
Dahil dito, ginising umano nito ang biktima subalit dito na niya nakita ang napakaraming dugo sa katawan ng biktima.
Agad na humingi ng tulong ang helper sa mga opisyal ng barangay na agad ding itinawag sa pulisya.
Mabilis na naitakbo sa pagamutan ang foreman at hanggang sa kasalukuyan ay agaw buhay.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, nakitaan ng mga tama ng bala sa katawan ang biktima.
Masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng pulisya upang matukoy ang may kagagawan sa pagbaril sa biktima na ipinalalagay na pinaputukan habang mahimbing na natutulog.
- Latest





















