Halos 3 milyon dumagsa sa mga sementeryo sa Metro Manila

MANILA, Philippines — Tinatayang umabot sa halos 3 milyon ang dumagsa sa iba’t ibang sementeryo sa Metro Manila kahapon, All Saints’ Day upang dalawin ang puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office at Manila Police District, nasa 1,195,326 ang pumasok sa Manila North Cemetery, habang nasa 28,460 naman ang naitala sa Manila South Cemetery bandang alas-5 ng hapon.
Sinabi ni MNC Administrator Daniel Tan, na naging maayos naman ang sistema sa pagpasok at paglabas ng mga dalaw.
Nakapagtala naman ng kabuuang 12,168 mula sa Loyola Memorial Park 9,500, Aglipay Cemetery 1,200, Barangka Cemetery 800, OLA Cemetery 400, dakong ala 1:00 ng hapon, at patuloy pa rin sa pagdating ng mga tao.
Siksikan din ang mga sementeryo sa walong libingan sa Caloocan City, kabilang ang Forest Park Memorial, Eternal Gardens Memorial Park at Sangandaan Cemetery kung saan nagtala ng 161,409 pagsapit ng alas-4 ng hapon. Sa Parañaque City, tanghali pa lang nang magtala ng 30,000, kung saan pinakamarami ang nagtungo sa Manila Memorial Park.
Gayunman, naging maayos at walang banta sa seguridad at walang anumang karahasan ang naitala dahil sa sapat na inilatag na seguridad at full alert status para sa police visibility, katuwang ng force multipliers, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
- Latest















