Higit 2-libo katao inilikas sa pagputok ng Mayon

MANILA, Philippines — Umaabot sa mahigit 2,000 katao ang inilikas sa ilang lugar na nasasaklaw ng 6-kilometer permanent danger zone (PDZ) sa lalawigan ng Albay matapos ang pagputok ng Mayon volcano noong Biyernes habang nasa red alert status naman sa mga apektadong lugar.
Sa report na tinanggap ng National Disaster Risk Reduction and Management Center (NDRRMC) mula sa Albay Public Safety and Emergency Office (APSEMO), dakong alas-5 ng hapon noong Biyernes ay nasa kabuuan nang 746 pamilya o 2,041 katao ang inilikas.
Kabilang sa mga inilikas ay mga residente ng Tabaco City; Camalig at maging ang mga naninirahan sa Brgy. Baligang sa Ligao City.
Sa Tabaco City ay nasa 531 pamilya ang inilikas habang nasa 205 pamilya mula sa Camalig at 10 pamilya pa sa Ligao City.
Sa kasalukuyan, umiiral ang red alert status sa mga apektadong lugar habang patuloy ang monitoring sa kondisyon ng bulkan. Inalerto na rin ang mga residente rito na pinalikas sa 6-kilometer danger zone.
Namahagi na rin ang Provincial Health Office (PHO) ng nasa 22,000 surgical masks sa mga pasilidad ng kalusugan sa ilang mga lugar bilang proteksyon sa mga residente na apektado ng ashfall na ibinuga ng bulkang Mayon.
Nitong Biyernes, sumabog ang Mayon volcano kung saan ang kulay abong ash plume ay umaabot ng 3,000 metro mula sa crater ng bulkan.
- Latest




















