PNP, bumuo ng tracker team sa pag-aresto kay Bato

Ultimatum para sumuko nag-expire na…
MANILA, Philippines — Bumuo na rin ang Philippine National Police (PNP) ng tracker team sa lahat ng rehiyon sa bansa para mahuli si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa matapos na mag-expire ang ultimatum dito para sumuko.
Ayon kay Deputy Chief PNP for Administration PLTGen. Wilson Joseph Lopez, nireorganisa nila ang kanilang mga tracker team kung saan bumuo sila sa kanilang mga regional unit ng kaparehong grupo na tutugis sa nasabing senador.
Nagdagdag din ang PNP ng mga hotline upang makatanggap ng impormasyon mula sa publiko na makatutulong sa pagtukoy sa kinaroroonan ng senador.
Tiniyak ni Lopez na hindi tatalikuran ng pulisya ang tungkulin nitong ipatupad ang batas at arestuhin si Dela Rosa.
Gayunman, umaapela pa rin aniya ang PNP kay Dela Rosa na sumuko nang mapayapa.
Nakatanggap na ang PNP ng maraming tawag mula sa mga hotline na inilaan para sa mga impormasyong makatutulong sa pagtukoy sa kinaroroonan ng senador.
Gayunman, patuloy pang bineberipika ng mga otoridad ang mga natanggap na impormasyon at wala rin umanong natatanggap na pahiwatig ang pulisya tungkol sa posibleng kusang pagsuko ni Dela Rosa.
Kabilang sa pinag-aaralan ng mga otoridad ang mga posibleng ruta ng pagtakas ng senador, kabilang ang mga daanan sa likod ng bansa.
Sa pinakahuling ulat ng Bureau of Immigration (BI), walang indikasyon na nakalabas ng bansa si Dela Rosa kaya naniniwala silang nananatili pa rin ito sa bansa.
Nauna nang nagbigay ng isang linggong palugit si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla kay Dela Rosa upang sumuko at nag-alok din ng P50 milyong pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong magtuturo sa kanyang kinaroroonan at ikadarakip.
Si Dela Rosa ay nahaharap sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng madugong kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Inakusahan ang senador na kasabwat sa mga umano’y krimeng nagawa sa naturang kampanya.
- Latest















