Gumahasa sa anak ng ka-live-in, timbog!
10 taon nagtago…
CAVITE, Philippines — Arestado ang tinaguriang Regional Most wanted sa kasong panggagahasa sa isinagawang warrant operation ng Bacoor police, kamakalawa ng hapon sa Brgy. Molino 1 Bacoor City.
Sa ilalim ng “Project Huliween” ng pulisya, natimbog ang suspek dakong alas-4 ng hapon na kinilalang si alyas “Rodolfo,” nasa hustong gulang sa tinitirhan nito sa Brgy. Molino 1 Bacoor City.
Base sa pulisya, isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Regional Intelligence Team ng Cavite, Regional Intelligence Division 4 sa pamumuno ni Pcol. Vicente S. Cabatingan, Warrant section ng Bacoor City Police na pinamunuan ni Plt Col. Alexi Desamito at 401st Assault Maneuver Company (AMC) at Regional Mobile Force Batallion 4A, sinalakay ng mga ito ang lugar kung saan namataan ang suspek.
Bitbit ng grupo ang warrant of arrest para sa kasong Statutory rape na inisyu ng Presiding Judge ng Regional Trial Court branch 109 Capas Tarlac at walang inirekomendang piyansa.
Base sa record ng pulisya, Setyembre 2016 nang maganap ang panghahalay ng suspek sa biktima na kinilala sa alyas “Sam,” 7-anyos pa lamang noon at anak ng dati nitong kinakasama.
Bagama’t matagal nang nangyari ang krimen, opisyal itong naitala at naireklamo sa Capas Municipal Police, Tarlac noong Abril 25,2025.
Kasalukuyan nakakulong ang suspek sa Bacoor Police.
- Latest

















