Trike driver dinedo sa agawan ng pasahero
MANILA, Philippines — Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang tricycle driver nang siya ay ataduhin ng saksak ng kabaro dahil sa agawan ng pasahero, naganap kamakalawa ng gabi sa Brgy. Anahaw 1, Silang, Cavite.
Kinilala ang nasawing biktima sa alyas “Elmo,” 47-anyos, driver, residente ng Brgy. Acacia ng nasabing bayan. Habang ang suspek na si alyas “Toto,” nasa hustong gulang ay pinaghahanap ng pulisya.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang krimen, alas-9:00 ng gabi sa terminal ng tricycle sa lugar nang lapitan ng biktima ang suspek at kinompronta hinggil sa pag-agaw nito ng pasahero sa kanyang pamangkin na isa ring tricycle driver.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa na agad namang naawat ng mga kapwa drivers.
Umalis na ang biktima matapos ang pagtatalo, subalit sinundan ito ng suspek at inundayan nang sunud-sunod na saksak hanggang sa bumulagta.
Ang biktima ay dinala sa ospital, subalit, idineklarang dead- on-arrival.
- Latest


















